[SHORT STORY] Hiraya Manawari
Written by Trisha Reyes
ROSAS… Bughaw… Berde… at pula, mga kulay na sumalubong sa akin oras nang inangat ko ang aking paningin sa itaas. Ang mga ito ay hugis tatsulok na salit-salitan ang puwesto habang sumasabay sa magiliw na hampas ng hangin.
“Napakakulay ng Piyesta,” mahinang sambit ko, nakapinta ang ngiti sa labi.
Natigil ang pagmamasid ko sa itaas nang bigla akong nabundol ng kung sino. Agad na tumilapon ang hawak-hawak kong mga flyers at ang mga ito ay inihip ng hangin palayo kaya wala akong ibang nagawa kundi kunin na lamang ang mga flyers na makikita ko at malapit lang sa akin.
“Sana makita nila.”
Napakarami kasing tao ngayon. Hindi pa nagsisimula ang mismong pagdiriwang sa plaza e talamak na ang mga taong nagkakasiyahan sa labas. Marami rin kasing lugar kung saan maaaring kumuha ng larawan ang mga tao habang hinihinatay ang mismong grand event. Ang mga negosyante naman ay ginagawa itong pagkakataon para makapagbenta ng marami. Ako naman, dala-dala ang mga flyers na pinagpuyatan ko ng ilang araw para ipamigay sa lahat dahil sa mismong event mamaya ay gagawa ako ng sarili kong concert. Hindi ako kasama sa mga magpe-presenta, sa tabing daanan lang ako magpapamalas ng galing ko. Hindi ko alam kung may manunuod… pero sana… sana naman e meron. Tagaktak na rin ang pawis ko dahil katanghalian ngunit pinipilit kong ubusin ang mga flyers na pinamimigay ko.
Lumipas ang ilang minuto at napasulyap ako sa aking kamay. Naubos ko na ang mga papel na pinamimigay ko sa mga taong nakaksalubong ko. Malalim na lamang akong napabuntong-hininga nang makita nagkalat ito sa daan. Matapos kunin at tingnan ng mga tao ay pinagsasawalang bahala na nila.
Pinilit ko pa ring ngumiti. “Kahit anong mangyari, tuloy ako mamaya.”
Bumalik na ako sa amin. Hapon na rin at kanina pa ako bilad sa araw. Pakiramdam ko nga tuyong-tuyo na ang lalamunan ko. Hindi naman kalayuan kaya agad din akong nakarating.
“Hope.” Napangiti ako nang mabasa ang salitang nakapinta sa entrance ng gusali. “Hospital of Cancer Patients.”
Ang mga magulang ko ang may-ari nito. Ito na rin ang naging puntahan ko sa mga nagdaang taon. Halos kalapit ko na nga rin ang mga tao rito: mga nurse, cleaners, doctors, at maging ang cancer patients. Palagi ko silang kinakantahan sa tuwing kasama ko ang sino man sa kanila, kapag nawawalan sila ng pag-asa at minsan bago sila magsimula ng panibagong sesyon ng chemo. Masaya ako na kahit sa ganoong paraan, napapangiti ko sila at nagagawa nilang magpatuloy mabuhay.
Maingat kong tinapak ang aking mga paa sa mapuputing sahig ng ospital, at masayang tinahak ang hallway. May ilan akong nakakasalubong na matagal nang nakapinta sa isipan ko. Isang matamis na ngiti na lamang ang aking ginaganti sa tuwing babatiin nila ako ng magandang hapon.
“Oh, Hiraya.” Ibinaba ni Doktor Flares ang mga dokumento na hawak niya nang makapasok ako sa kaniyang opisina. “Ngayon mo na ba papuptulan ‘yang buhok mo?”
“Opo, ‘di ba sabi ko po sa inyo, ido-donate ko ulit,” sambit ko at umupo na rin.
Marahan siyang tumango. “Hindi mo talaga nakakalimutan ang mga taong narito. Ilang buhay na nga ba ang napasaya mo dahil sa pagbibigay mo ng libreng buhok sa kanila?” Ngumiti ako bilang tugon. “Napakarami na ‘no? Bata ka pa lang labis-labis na ang pag-asang binibigay mo lalo na sa mga kabataan na lumalaban sa sakit na cancer.”
Saglit kaming nagkamustahan ni Doktor Flares tungkol sa binabalak ko ngayong gabi. Pinaalalahanan pa niya ako dahil una sa lahat, hindi ito alam ng magulang ko. Siya lang ang lagi kong sinasabihan tungkol dito at siya rin ang unang nakadiskubre na kumakanta ako. Matapos magupitan ang buhok ko. Humarap ako sa salamin.
“Hope… Pag-asa,” mahinang bulong ko habang hawak ang gabalikat kong buhok.
Bata pa lang ako, talagang ginagawa ko na ito. Hindi lang para maghatid ng pag-asa sa mga kabataang lumalaban sa cancer kundi isa rin itong paraan ko para bigyan at dugtungan pa ang kanilang rason para mabuhay.
Lumabas na ako ng opisina ni Doktor Flares. Napagdesisyonan kong magtungo muna sa rooftop habang hinihintay ang pagkain ng dilim sa liwanag. Napakasarap ng simoy ng hangin. Napakagaan at kung pwede lang sana, maaari itong masalin sa nararamdaman ko ngayon.
“Sa tingin mo, may lugar tayo sa labas?” Napalingon ako sa babaeng isang metro lamang ang layo sa akin. Naka-upo siya sa wheelchair at ang nakaagaw pansin sa akin ay ang puting headwear na tumatabon sa walang buhok niyang ulo. Sa tingin ko ay magkasing-edad lamang kami, sixteen. Malayo lamang ang kaniyang tanaw at hindi lumilingon sa akin. “Sa tingin mo, naiisip tayo ng mundo?”
Malalim akong napabuntong hininga. Naiisip nga ba kami ng mundo? Naiisip ba nila ang milyon-milyong mga kabataang tulad namin na may mga pangarap? Nakikita pa rin ba nila ang pag-asa sa amin o tanging tingin lang nila… gulo, perwisyo at problema ang dala namin sa buhay nila? Hindi ko alam. Mismong mga magulang ko nga ay hindi ko alam ang sagot. Alam kong kahit kailangan, hindi nila pakikinggan ang boses ko.
“Ten years… Ten years ko nang nilalabanan ang sakit na ‘to at sa loob ng mga taon na ‘yon, wala akong naiambag sa mundong ‘to — sa pamilya ko kundi problema lang. Pakiramdam ko walang saysay ang buhay ko. Pabigat lang ako. Hindi ko magawa ‘yong mga bagay na gusto ko dahil sa sakit na ‘to. Gusto ko na lang tapusin ang paghihirap na ‘to.” Lumingon siya sa akin dahilan upang magtagpo ang mga mata namin. “Sa tingin mo, totoo bang may pag-asa?”
“Maniniwala ka ba kapag sinabi ko sayong bukas… gagaling ka?” Kumunot ang kanyang noo. “Imposible ‘di ba?” Mahina akong napatawa. “Pero ‘yon ang tinatawag na pag-asa. Kahit alam mong imposible, naniniwala ka na mangyayari. Kaya ulitin natin ang tanong, naniniwala ka bang may pag-asa?”
Hindi siya nakasagot. Tikom ang kaniyang bibig ngunit kitang-kita ko sa kaniyang mga mata ang kasagutan. Naniniwala siya… Napangiti ako.
“Hope is not knowing there is. Hope is about believing that there is.” Dahan-dahan akong lumapit sa kanya at lumuhod upang makita pa siya ng malapitan. “Oo, bata pa tayo. Hindi man tayo nakikita ng mundo. Hindi man tayo naiisip ng mundo. Iba man ang tingin nila sa ‘tin, pero isa lang ang tanging alam ko. Marami pa tayong oras para makita ang totoong halaga natin sa mundo. Marami pa tayong oras para gawin ang mga pangarap natin na pilit na inaagaw sa ‘tin ng mundo. Marami pa tayong oras para hindi mawalan ng pag-asa. Hindi porket sa tingin nila mahina tayo, walang kakayahan, ‘yong mga pangarap natin ay isang ilusyon lang. May karapatan tayong bigyang buhay ang mga pangarap na ‘yon. Huwag mong hahayaan na kunin sa ‘yo ‘yong paniniwala na ‘yon… ng kahit sino man sa buhay mo.”
Kasabay ng pagdilim ng kalangitan ay ang pagkislap ng makukulay na liwanag dala ng paputok, hudyat na opisyal na binubuksan ang piyesta.
Kasunod noon ay ang kanyang tanong, “Anong pangalan mo?”
Hinawakan ko ang kamay niya. “Tinanong mo sa akin kung totoo bang may pag-asa, ‘di ba? Halika.”
Dinala ko siya sa bayan. Ang madilim na gabi ay pinuno ng kasiyahan dala ng makukulay na palamuti, nagkikislapang mga ilaw at nagkalat na mga ngiti ng tao. Dahil naka-wheelchair ang kasama ko, naging madali sa amin ang pagputa sa pwestong plinano ko. Inayos ko ang aking gitara sa gitna ng daan, pinuwesto ang balingkinitang upuan, at punong-puno ng kagalakang tumugtog.
Ito ang kasagutan ko sa tanong n’ya. Totoong hindi suportado ang mga magulang ko sa aking gusto. Totoo ring pinagtatawanan lamang ako ng mga tao sa tuwing iimbitahan ko sila sa mga plano kong pagtugtog dahil wala silang tiwala sa akin at iniisip lamang na isa itong malaking kahibangan. Ngunit natutunan kong hindi pakinggan ang lahat ng iyon, at pakinggan lamang ang hinihimig ng musika ng damdamin ko. Totoong may pag-asa, sa taong naniniwala.
Muli kong sinulyapan ang babaeng nasa harapan ko ngayon. Nagbitiw ako ng nangungusap na ngiti. Sa kaniya ko plano ibibigay ang aking buhok. Sa pamamagitan nito, nais kong sabihin na may mahabang buhay na naghihintay pa sa kanya upang mapagpatuloy niya ang…
“Hiraya,” sambit ko sa pangalan ko sapat lamang upang marinig ng babaeng nakita ko sa rooftop.
Ngumiti siya kasunod ang unti-unti pagdagsa ng tao sa posisyon namin. “Manawari.”
Hiraya Manawari.
THE AUTHOR
Nothing beats the quote, “We can do all things with a complete state of harmony of the body, mind, and spirit,”
which I, Trisha Reyes, agree with. Growing up, I was exposed to a healthy lifestyle; I am a varsity player who enjoys going to the gym, dancing, and singing. In my modeling career, I am proactive and never miss a workshop. I am proud to be a product of mixed culture and blood of Filipino-American-Chinese descent. During these quarantine series, I’ve been binge-watching Netflix shows. I find it fascinating to interact with because it provides a wide range of award-winning TV shows, movies, anime, and documentaries. Aside from watching, I consider myself a bookworm who enjoys reading. I can spend an entire night reading; it has been my hobby since I was a child. Because of my love of reading and writing, I became a member of my school’s journalist team. Writing and reading are my escape and companion when things become too difficult to bear; it is where I express myself. When I think of myself, and as a writer, I imagine myself as a Molave Tree, which is sturdy and maintains its position even when numerous typhoons or high winds pass through me; a tree that stands straight learns and grows as its branches do.
In the same way, a tree provides shade and protection to the people and creatures who live in its immediate vicinity. I plant roots in my words and impart wisdom to my local community. Finally, Tigercubs represent a place to call home, a source of hope, and a vision for the future that I hope to realize.